![]() |
“Understand this well: there is something holy, something divine hidden in the most ordinary situations, and it is up to each one of you to discover it.”
- Saint Josemaria Escriva
Nagsimula ang lahat sa isang larawan. Larawan pa ito ng altar ng kapilyang malapit sa puso ko- ang Our Lady of Victory Chapel noong ika-31 ng Disyembre 2005. At tulad ng unang larawang nakuhanan ko, sa simbahan umikot ang buhay ko bilang isang hobbyist photographer. Ilang taon pang lumipas at nahilig ako lalo na magkuha ng mga larawan ng mga santo at mga simbahan. Nahilig din ako sa flickr at doon ko nakilala ang iba pang katulad ko na nagbabahagi ng mga larawan ng mga banal hanggang sa facebook sa kasalukuyan.
Nasanay ako noon sa pasimple simpleng larawan ng aming patrona sa kapilya, ang Our Lady of Victory, hanggang sa mga larawan ng Mahal na Birhen sa mga kalapit na simbahan at sa taunang Intramuros Grand Marian Procession. Sa tuwing nakakapunta ako sa probinsya at nakakapasok sa simbahan ay ugali ko nang kuhanan ito ng larawan at hanapin ang imahen ng Mahal na Birhen. Nang maglaon ay napagtanto kong hindi lang pala ito tungkol sa Mahal na Birhen at sa Panginoong Jesus kundi pati na rin sa iba pang mga santo, lalo na si San Jose at marami pang iba, pati na rin ang mga kaganapan, kapistahan at iba pang pagdiriwang ng Simbahan.
Noong una, "for fun" siya para sa akin, katulad ng mga karaniwang nagpipicture at nagpopost nito. Ngunit sa pagtagal, naging "pagtawag" ito. Sa paglipas ng mga taon, lumalim at lumawak ang aking pananaw sa aking nakahiligang gawain. Naunawaan kong ang mga larawan ay nagkukwento. Nagkukwento at nagbabahagi ng kasaysayan-kasaysayan ng simbahan, mga banal, mga tradisyong pinagyaman na ng panahon. Natuklasan kong bawat larawan ay isang silip sa kuwento ng isang bayan, kultura at salamin ng pananampalataya. Ang bawat photo ay nagiging "durungawan" o bintana kung saan natatanaw natin ang yaman at hiwaga ng ating pananampalataya. Nais kong ibahagi ang mga kuwento at karanasan ko, na kung paano akong napukaw ng mga iyon at mapukaw din sana ang iba.
Sa panahon natin ngayon, laganap na ang social media at ang mga pictures ang isa sa pinakamadaling paraan sa pagpapalaganap ng kaalaman at kaganapan sa paligid. Sa kalagayan ko naman ay upang makibahagi sa misyon ng bawat kristiyano na mag-"evangelize" at magpalaganap ng pananampalataya. Sa dami ng masasamang balita, fake news at mga kaguluhang bumabalot sa lipunan, mainam at mabisa na sa aking mumunting paraan ay patatagin hindi lamang ang aking sariling pananampalataya, kundi pati na rin ang pananampalataya ng higit na nakararami. Ang aking mumunting paraan ay sa pamamagitan ng mga larawan.
Lilipas ang mga kaganapan at maraming pagbabago ang magaganap sa paligid ngunit mananatili ang mga larawan upang ibahagi ang naganap sa kasalukuyan.
Minsan napapaisip ako, sa nakalipas na mga taon ay malayo na ang nalakbay, at marami pang lalakbayin sa hinaharap, ngunit lagi kong hinahanap ang Mahal na Birheng Maria, ang Panginoong Jesus at mga banal. Pero sa kabila ng layo, hindi ko sila makita, laging mga imahen lamang nila, wala sila. Subalit sa bawat napupuntahan ko naman ay nakakatagpo ako ng mga taong maligaya, mabubuti, nakikipagkaibigan, nagpapatuloy, nagbabahagi at nagmamagandang-loob. Pero wala pa rin, wala pa rin sila, puro mga taong may mabuting kalooban lamang ang naroroon.
Ngunit ngayon ay alam ko na. Saanman abutin ng paghahanap sa Mahal na Birhen, sa Panginoong Jesus at mga santo, hindi mo sila makikita pero may ibibigay sila sa iyong mga mabubuting tao na may mabubuting kalooban. Oo nga pala! Ang Panginoong Jesus, Mahal na Birheng Maria, San Jose, mga anghel at mga santo ay nananatili sa mga puso ng mga taong may mabuting kalooban. Oo nga! Hindi ko man sila natagpuan pero... nagtagpo na pala kami.
- Angelo C. Mangahas
